(Pabatid: Nakikiusap po akong huwag kopyahin ang tula o anumang naisulat sa blog na ito na walang pahintulot mula sa may-ari. Ang post na ito, partikular, ay isa lamang burador at hindi pa nalalapatan ng anumang pagwawasto. Kung nais itong kopyahin, mangyaring magpadala ng email sa ajcmamaril@gmail.com. Salamat.)
Ibinabalik ko na sa iyo ang ating mga larawan
kasama ang mga panyo na ginamit mo
upang pahiran ang aking pawis
at luhang pilit mong pinahid
upang ipakita ang ganda ng umaga
kahit alam mong palubog na ang araw
ng aking damdamin.
Ibinabalik ko sa iyo ang ating mga larawan
kasama ng mga gunita ng mga ngiti
na sinundan ng mga pangil
at mga kulog ng ating mga tinig
na bumaybay tungo sa ating mga dugo
mula sa ating mga tainga.
At doo'y pumulandit ang ating mga dugo
na dumurog sa ating mga laman
at mga pangalan.
Ibinabalik ko na sa iyo ang ating mga larawan
at mga awiting naghayag ng ating
mga sumpa
na kumitil
ng ating buhay
sa bawat sambitla.
Tapos na ang isa
dalawa na muli tayo
walang humadlang sa atin
kundi ang mga awit,
ang mga panyo,
at ang mga larawang ito.
//4:57nh 11 Nobyembre 2015//ajcmamaril
Ibinabalik ko na sa iyo ang ating mga larawan
kasama ang mga panyo na ginamit mo
upang pahiran ang aking pawis
at luhang pilit mong pinahid
upang ipakita ang ganda ng umaga
kahit alam mong palubog na ang araw
ng aking damdamin.
Ibinabalik ko sa iyo ang ating mga larawan
kasama ng mga gunita ng mga ngiti
na sinundan ng mga pangil
at mga kulog ng ating mga tinig
na bumaybay tungo sa ating mga dugo
mula sa ating mga tainga.
At doo'y pumulandit ang ating mga dugo
na dumurog sa ating mga laman
at mga pangalan.
Ibinabalik ko na sa iyo ang ating mga larawan
at mga awiting naghayag ng ating
mga sumpa
na kumitil
ng ating buhay
sa bawat sambitla.
Tapos na ang isa
dalawa na muli tayo
walang humadlang sa atin
kundi ang mga awit,
ang mga panyo,
at ang mga larawang ito.
Comments